Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, pinakikilos para alamin ang sitwasyon ng mga OFWs doon

Pinakikilos ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran ang pamahalaan kaugnay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong na iligal na tinanggal sa trabaho sa kasagsagan ng COVID-19 surge doon.

Nababahala si Taduran sa mga ulat na sinibak sa trabaho ang ilang mga OFWs ng kanilang mga employers matapos magkasakit ng COVID-19 habang ang ilan ay inalis dahil naman sa paggamit ng kanilang “day off”.

Giit ng lady solon, kailangang kumilos na ngayon ang pamahalaan partikular ang konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong para alamin ang sitwasyon ng mga kababayang OFWs.


Hindi na dapat hintayin ng konsulado ng bansa na tawagan pa sila ng mga nanghihingi ng tulong dahil posibleng may ilang OFWs na hindi makatawag o naiipit sa isang mabigat na sitwasyon.

Nagbabala rin si Taduran sa mga employers na sila ay lumalabag sa Employment Ordinance and Standard Employment Contract sa Hong Kong kung saan hindi maaring tapusin ang kontrata ng sinumang foreign domestic helper kapag ito ay nagkasakit ng COVID-19.

Maaari rin aniyang makasuhan ang employer ng Disability Discrimination Ordinance lalo na kung mali ang pagtrato sa OFW.

Kapag napatunayang nagkasala, ang isang employer ay maaaring patawan ng pinakamataas na multa na HK$100,000.

Facebook Comments