Simula sa Lunes ay tatanggap na muli ang mga labor offices sa Riyadh, Jeddah at Al Khobar ng mga aplikasyon para sa mga Pilipinong manggagawa sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Ito ang inanunsyo ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople.
Sa isang press briefing, sinabi ng kalihim na kabilang sa mga muling ipapadala ng Pilipinas sa Saudi ay ang mga skilled at iba pang uri ng migrant workers.
Pero, binigyang diin ni Sec. Ople na hindi magbubukas ang Pilipinas ng Saudi deployment nang walang malinaw at matibay na proteksyon ang mga manggagawa.
Tinukoy ng kalihim na ang unang gagawin ng Pilipinas at Saudi Arabia governments para sa kapakanan ng mga manggagawa ay ang pagtiyak na mayroong insurance ang kontrata ng mga domestic at skilled worker at hindi na mauulit na mayroong uuwing Overseas Filipino Workers (OFW) na walang sweldo.
Dagdag pa ng kalihim, hindi lamang ang Philippine recruitment agencies ang magkakaroon ng welfare desk.
Lahat ng Saudi recruitment agencies ay kailangang kumuha ng sariling wedo at kung wala silang welfare officer ay walang job order na ibibigay sa kanila.
Ang mapang-abusong mga employer ay isasama sa blacklist sa bansa at sa Saudi, habang ang matitino ay ilalagay sa whitelist.
Ang biktima ng human trafficking ay tutulungan ng Saudi government base sa referrals na ibibigay ng DMW.
Sinabi pa ni Sec. Ople na magpapatupad na ng E-payment sa sweldo ng mga skilled at domestic helper.