Para raw maisalba ang trabaho ng nasa 11,000 empleyado, hinimok ni House Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte na ibenta ng pamilya Lopez ang ABS-CBN Broadcasting Corporation matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng kanilang bagong prangkisa.
Sa panayam ng ANC nitong Biyernes, sinabi ng kongresista na susuportahan niya ang franchise renewal application ng Kapamilya network sa ilalim ng bagong may-ari at pamunuan.
“If they really love the 11,000 employees or more and they really want to serve the Filipino people, ibenta na lang iyong kumpanya.”
“I’m sure if they sell it, big companies can provide the capital to run it, provide the manpower, financial, economic, technical expertise to run the company,” pagpapatuloy ni Villafuerte.
Dagdag pa niya, mainam na gayahin ng pamilya Lopez ang naging hakbang ng Mighty Corporation makaraang balaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara ito dulot ng hindi pagbabayad ng tamang buwis.
“Binenta nila ‘yung kumpanya sa isang Japanese company. Oh, ‘di walang problema po. Walang natanggal na tao. You know, this is just a suggestion,” anang representante ng ikalawang distrito ng Camarines Sur.
Pero sa mga isinagawang pagdinig, matatandaang kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang utang na buwis ang ABS-CBN. Ang mga ibang ahensiya ng gobyerno katulad ng Security Exchanges Commission (SEC) at Department of Justice (DOJ), nilinaw din na walang naging paglabag ang media and entertainment company.
Nanindigan naman si Villafuerte na hindi nanghimasok si Presidente Duterte sa desisyon ng Kamara hinggil sa franchise renewal kahit ilang beses binatikos ng opisyal ang ABS-CBN. .