Kalibo, Aklan— Kulong ang isang 19 anyos na helper matapos maaktuhang nangungupit ng kita ng kanyang amo sa isang tindahan ng feeds sa Toting Reyes St. Kalibo kaninang umaga. Kinilala ang suspek na si Jonel Dumu-os 19 anyos at residente ng Brgy. Andagao Kalibo kung saan aktwal itong nakita ng kanyang amo na kumukuha ng pera mula sa kanilang counter. Ayon sa 50 anyos na negosyanteng tumangging isapubliko ang pagkakakilanlan na naabutan nito ang suspek na ibinubulsa ang P900 mula sa kanyang counter. Dagdag pa ng 50 anyos na ginang na nangupit rin umano ang suspek noong nakaraang buwan sa isa sa kanilang mga kliyente kung saan agad niya itong binalaan at isinauli sa costumer ang kulang na pera. May mga kakilala rin umano siya na nagsabing dapat bantayan si Jonel dahil sa kaniyang pinaggagawa. Kaninang alas 10:26 ng umaga ay naaktuhan mismo ng ginang ang ginagawa ng nasabing helper dahilan para agad nitong sitahin ang suspek at ipahuli sa mga pulis. Nagmakaawa pa umano ito sa kanya at akmang ibabalik ang naibulsang pera sa kaha habang humihingi ng tawad. Sa katunayan aniya ay naaawa rin ito sa lalaki ngunit maka-ilang ulit na umano itong gumagawa ng mali. Sa isinagawang body search sa suspek sa himpilan ng pulisya, nakuha sa kanyang pouch ang karagdagang P3,170. Naniniwala ang biktima na posibleng sa kinita ng kanilang establishment galing ang nasabing pera dahil bukas pa ito magpapasweldo sa suspek. Sa ngayon nakatakdang sampahan ng kasong qualified theft si Dumu-os na kasalukuyang nakapiit sa Kalibo Police Station.
Lalaki kulong matapos mahuli ng amo na nangungupit
Facebook Comments