LALAKI NA DINUKOT SA CAUAYAN CITY, BANGKAY NA NANG MATAGPUAN

61
Cauayan City, Isabela- Labis ang paghihinagpis ngayon ng pamilya at kaanak ng isang lalaki na natagpuang tadtad ng saksak at may gilit sa leeg sa bahagi ng barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela kaninang umaga, July 10, 2022.

Ang biktima na kinilalang si Marco Salgado, 28 taong gulang, magbobote at residente ng brgy. District 1 ay unang naiulat na siya ay dinukot ng mga armadong kalalakihan pasado alas 12:00 ng tanghali nitong Sabado, July 9, 2022 sa Villarta St, Brgy. District 1, Cauayan City.

Pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay sakay ang minamanehong kolong-kolong kasama ang 2 taong gulang na anak nang biglaang hintuan ng itim na sasakyan na Innova at tinutukan siya ng baril saka pwersahang ipinasok sa loob ng sasakyan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mark Salgado, kapatid ng biktima, itinawag lamang aniya sa kanila ng mga otoridad kaninang umaga na natagpuan na ang katawan ni Marco sa bahagi ng barangay Cabaruan.

Batay naman sa ibinahaging impormasyon ng punerarya, may 48 na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at may malaking gilit sa leeg ang biktima.

Ayon pa sa kapatid ng biktima, mabait at wala naman aniyang naging kaaway o nakaalitan ang kanyang kapatid na posibleng gumawa sa karumal-dumal na pagpatay rito.



Nabatid na mayroong dalawang maliliit na naulilang anak ang biktima kabilang na ang 10-buwang gulang na sanggol.

Samantala, humihingi naman ng tulong sa mga witness at kinauukulan ang pamilya ng biktima para mabigyan ito ng hustisya.

Facebook Comments