Lalaking Dumayo para Magdiwang ng Bagong Taon, Binaril-Patay

23
Cauayan City, Isabela-Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki dakong ala-1:00 ng madaling araw noong Bagong Taon sa Brgy. San Mariano, Lal-lo, Cagayan.

Batay sa ulat ng PNP Lal-lo, kinilala ang biktima na si Rexter Suminal, 30-anyos, caretaker at residente ng Brgy. Alaguia, Pinukpuk, Kalinga habang ang suspek ay kinilalang si Dante Dalapnas, 38-anyos, isang magsasaka at residente ng Brgy. San Mariano.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang dating live-in partner upang kunin ang kanilang dalawang anak para iuwi sa family house ng suspek sa Brgy. San Mariano.

Pagkatapos nito, bumalik at tumambay ang suspek sa bahay ng dating live-in partner na kinilalang si alyas ‘Karen’ kung saan naroroon din ang biktima upang salubungin ang Bagong Taon.

Nang papauwi na umano ang biktima, habang patungo sa nakaparada nitong motorsiklo kasama ang dalawang saksi, ay dito na binaril ng suspek si Suminal gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor.



Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng bala.

Nagsasagawa pa rin ng hot pursuit operation ang PNP para maaresto ang suspek na kasalukuyan pa rin na nagtatago matapos ang pamamaril.

Facebook Comments