Arestado ang isang 56-anyos na lalaki matapos umanong manuntok, magbanta, at magpaputok ng baril sa gitna ng isang kasiyahan sa Sitio Manaker, Barangay Malacañang San Carlos City.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang nakikipagkasiyahan sa isang okasyon ang dalawa nang umalis ang biktima upang bumili ng sigarilyo sa katabing tindahan.
Ayon sa mga saksi, walang ano-ano’y lumapit ang suspek at bigla na lamang kinabig ang balikat ng biktima at sinuntok ito sa kaliwang pisngi.
Maya-maya, tinulak umano ng suspek ang biktima sa gilid ng tindahan at inilabas ang isang maliit na baril mula sa kanyang tagiliran.
Ibinaba rin kalaunan ng suspek ang baril at nagpaputok sa kalsada bago tumakas papalayo.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek sa mismong tahanan nito ngunit hindi na narekober ang ginamit na baril.
Dinala naman ang biktima at suspek sa pagamutan para sa medico-legal examination bago sila isinailalim sa kustodiya ng San Carlos City Police Station para sa kaukulang disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








