Makato, Aklan— Arestado ang isang lalaki matapos masangkot sa isang aksidente at nagpakilalang miyembro ng Philippine Army sa bayan ng Makato kaninang umaga. Sasampahan ng kasong Usurpation of Authority at paglabag sa COMELEC gun ban si Ricky Sunico Barrientos residente ng Ibajay. Base sa imbestigasyon nasangkot sa isang aksidente ang suspek kung saan nabangga nito ang sasakyang minamaneho ni PMAJ. Ricky Waniwan ng PNP AVESC Group sa diversion road sa nasabing bayan. Sakay ng motorsiklo si Barrientos at papunta sana sa direksyon ng Numancia nang mangyari ang aksidente. Habang iniimbestigahan ng mga kapulisan, nagpakilala umano itong si CPL. Ricky Barrientos ng 2nd Division 59IB ng Philippine Army habang suot ang PNP upper camougreen uniform. Dahil walang maipakitang drivers license ang suspek agad itong inimbitahan sa tanggapan ng pulisya kung saan ipinakita nito ang dalang ID ng Philippine Army. Nang siyasatin at beripikahin ng Makato PNP sa mismong unit ang pagkakakilanlan ng lalaki, napatunayan na hindi ito konektado sa Army. Narecover mula sa suspek ang isang PNP Camougreen upper uniform, jungle knife at ID. Sa ngayon nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority at Section 32 ng RA 7166 o paglabag sa election gun ban ang masabing suspek.
Facebook Comments