Libo-libong pasahero, stranded sa mga daungan, at terminal dahil sa Bagyong Paeng

Libo-libong pasahero na uuwi sana sa probinsya para sa long weekend ng Undas ang stranded sa mga daungan at terminal, matapos suspendihin ang ilang mga biyahe at flights dahil sa Bagyong Paeng.

Ilang biyahe sa Manila Northport Terminal (MNT) at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), at mga flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kinansela kahapon upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.

Sa PITX, 19 na biyahe ng bus ang hindi pinayagang bumiyahe at pinayuhan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagsuspinde ng mga RoRo trips sa Batangas Port.


Ayon sa pamunuan ng PITX, maaaring manatili sa terminal ang mga stranded na pasahero habang naghihintay na payagan ng Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy ang mga biyahe.

Nakapagtala naman ang PITX ng mahigit 98,000 pasahero na dumating at umalis sa terminal kahapon at inaasahang dadami pa ito hanggang sa Nobyembre 1.

Samantala, sinabi naman ng pamunuan ng NAIA na umabot pa rin sa 25,000 ang mga domestic passengers na dumating kahit na may ilang flights na nakansela dahil sa sama ng panahon.

Facebook Comments