Sumuko sa tropa ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 2 si Alyas “James, Jumong at Jaden”, 26 taong gulang, Vice Commanding Officer 2 ng West Front Komprob Cagayan at residente ng San Mariano, Lal-lo, Cagayan.
Ayon sa pahayag ni alyas James, napagdesisyunan nitong magbalik-loob sa gobyerno dahil sa kagustuhang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Kolehiyo at makapagbagong buhay ng masaya at tahimik kasama ang kanyang pamilya.
Nabatid na unang sumampa sa kilusan si Alyas James noong Disyembre taong 2016 bilang tagahatid ng mga pagkain o relief goods sa Barangay Lipatan, Sto Niño, Cagayan at nagkataon din na anibersaryo ito ng makakaliwang grupo.
Naging ganap na bagong kasapi ng NPA si Alyas James noong Enero 2017 kung saan sumailalim siya sa iba’t-ibang klase ng pagsasanay at kasama rin sa mga ginawang karahasan ng mga terorista sa lalawigan ng Cagayan at karatig-lugar.
Ang pagsuko ni alyas James ay sa pakikipagtulungan na rin ng mga tauhan ng RMFB 2, Regional Group for Special Concern 2, ang S2 ng RMFB, 202nd Mobile Company, Regional Intelligence Division 2; 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Unit 2, Lal-lo Municipal Police Station, 501st Infantry Brigade, 17th Infantry Battalion Philippine Army,77 Infantry Battalion PA, at 51st Military Intelligence Company.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng kapulisan at kasundaluhan sa mga nalalabi pang miyembro ng teroristang grupo na boluntaryo nang sumuko kasama ng kanilang mga armas para makapagbagong buhay ng may katahimikan at saya kasama ang pamilya.