1 Sugatan, 1 Kritikal sa Banggaan ng Dalawang Motorsiklo

45
Cauayan City, Isabela- Patuloy na inoobserbahan sa pribadong pagamutan sa Cauayan City ang isang welder matapos masangkot sa isang aksidente pasado alas-7:00 kaninang umaga sa pambansang lansangan ng Barangay Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang duguang biktima na si Benjamin Lonzaneda Sr., nasa hustong edad na drayber ng Yamaha Mio Sporty 125 na may plate number BF 88865 at residente ng nasabing lugar.

Habang ang isa pang biktima ay nakilalang si Moises John Malana, 22-anyos, may asawa, helper na minamaneho ang Suzuki Raider 150 na may C.R. No. 40620341-6 at residente ng Brgy. Concepcion Luna, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na habang binabaybay ng biktimang si Lonzaneda ang timog direksyon ng kalsada ng bigla umano itong lumiko pakaliwa na dahilan naman upang masalpok ng isang Suzuki Raider 150 na minamaneho ni Malana na kasalukuyan noong binabagtas ang parehong direksyon ng daan.

Dahil sa insidente, tumilapon ang mga biktima dahilan para magtamo ng matinding sugat sa ulo si Lonzaneda na agad namang nilapatan ng paunang lunas at kalauna’y isinugod sa pagamutan dahil sa tinamong pagdurugo ng ulo habang minor injuries naman ang tinamo ni Malana.

Nasa pangangalaga ngayon ng mga awtoridad ang dalawang motorsiklo habang inaalam pa ang halaga ng pinsala.



Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon matapos ang nangyaring aksidente.

Facebook Comments