Live From The Field

Nauwi sa trahedya ang sana’y masayang outing matapos malunod ang dalawang indibidwal sa Lanas Lake, Mayag, Bauko bandang 3:00 ng hapon noong Disyembre 21, 2022.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mayzzon Vicente Batatas, 24-taong gulang at Czar Jay Vicente Opag, 20-taong gulang na kapwa residente ng Kayan West, Tadian, Mountain Province.

Ayon sa nakuhang impormasyon sa PNP Bauko, nakarating umano ang mga biktima sa nasabing ilog upang mag picnic bandang 10:00 ng umaga noong Miyerkules.

Ngunit pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay tumaob umano ang sinasakyan nilang bangka.

Sinubukan pa umanong sagipin ni Opag si Batatas ngunit sa kasamaang palad ay pareho silang nalunod.

Agad namang rumesponde ng Bauko MPS and 1st MPPMFC kasama pa ang mga kawani ng Bauko BFP, LGU-Bauko, Mayag Barangay Officials at ilan pang residente upang magsagawa ng search and retrieval operation.

Magkasunod namang narekober ng mga awtoridad ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima kaninang umaga, Disyembre 22, 2022.

Ang bangkay ni Opag ay dinala sa Kayan West, Tadian, Mountain Province habang ang katawan naman ni Batatas ay dinala sa Mayag, Bauko, Mountain Province.

Facebook Comments