Inihayag ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na matapos ang ilang buwang pagkakatigil dahil sa lockdown tuloy na ang pagbubukas ng Lotto bukas, Agosto 4, 2020.
Gayunman, nilinaw ni PCSO General Manager Royina Garma na dahil sa implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) suspendido muna ang Lotto operation sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.
Paliwanag ni Garma, ang mga apektadong lugar na nasa ilalim ng MECQ na tatagal ng hanggang Agosto 18, 2020 ay ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Bukod sa Lotto ay suspendido rin ang Instant Sweepstakes tickets at Keno.
Wala pang eksaktong petsa kung kelan babalik ang Lotto operations sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, kasabay nito ay umaapela si Garma sa publiko na tangkilikin ang mga “Larong may Puso” gaya ng Lotto, Small Time Lottery, on-line Keno at Instant Sweepstakes.
Balik na rin sa halagang ₱20 ang bawat ticket at fixed price na rin ang premyo.
Pinapayuhan din ang mga STL agent na makipag-ugnayan sa PCSO branch offices upang magabayan sa mga rekisito.