Tuesday, November 10, 2026

LTFRB, naglabas ng show cause order laban sa bus operator dahil sa umano’y sexual harassment sa Bohol

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 7 laban sa Southern Star Bus Transit Incorporated matapos ireklamo ang isang konduktor nito sa umano’y sexual harassment sa babaeng may kapansanan sa pandinig sa Bohol noong Nobyembre 1.

Batay sa ulat tungkol sa kumalat na video, hinawakan umano ng konduktor ang babae sa binti bago ito tumabi sa kaniya at inilabas ang ari. Kasama ng biktima ang kaniyang menor-de-edad na anak habang papunta sa simbahan.

Personal na nakipagpulong ang mga opisyal ng LTFRB sa biktima, kaniyang pamilya, bus operator at sangkot na konduktor. Tinulungan din ang babae sa pagsasampa ng kasong kriminal.

Inatasan naman ang operator na magsumite ng mga dokumento, kabilang ang hindi inedit na CCTV at dashcam footage, para sa imbestigasyon.

Binigyang-diin ng LTFRB na hindi nila kukunsintihin ang sexual harassment sa pampublikong transportasyon.

Posible ring masuspinde o mabawi ang prangkisa ng operator kapag napatunayang nagpabaya ito sa kaligtasan ng mga pasahero.

Facebook Comments