
Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong cyberlibel sina Atty. Ferdinand Topacio at ilang vloggers na mga tagasuporta nina dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos baliktarin ng DOJ ang naunang desisyon na nagbasura sa cyberlibel complaint ni Senator Risa Hontiveros laban kina Topacio, Byron Cristobal o kilala bilang Banat By, Jeffrey Celiz, Krizette Chu, Jay Sonza at Alex Destor o Tio Moreno.
Nag-ugat ito sa reklamo ni Hontiveros kaugnay sa pagpapakalat ng video ng whistleblower na si Michael Maurilio o Altas Rene na nag-akusa kay Hontiveros na binayaran umano siya kapalit ng pagtestigo sa Senado laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Batay sa resolusyon ng Justice Department, nakasaad na bagama’t protektado ng Konstitusyon ang karapatan ng publiko na punahin ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat nakabatay ito sa mga totoong pangyayari at may matibay na ebidensiya.










