Madalas na power interruption sa Panay at Negros Islands, pinasisilip ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe ang napapadalas na pagkawala ng kuryente sa Panay at Negros Islands.

Inihain ni Poe ang Senate Resolution 579 na layong silipin ang dahilan ng power outages sa mga isla ng Panay at Negros at hanapan ito ng solusyon para matapos na ang problemang kinakaharap ng mga residente doon.

Iginiit ng senadora ang kahalagahan na masiyasat ang sanhi ng grid disturbances sa mga isla na naiulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung saan itinuturo naman sa mga distribution utilities.


Nababahala si Poe sa economic losses sa mga lalawigan dahil apektado na ng madalas na patay-sindi na kuryente ang turismo at mga negosyo sa Panay Island at sa Iloilo.

Malaki ang panghihinayang ng mambabatas dahil ngayon pa naman lumalakas ang turismo sa probinsya dahil sa pagdami na rin ng mga turistang bumibisita.

Maliban sa ekonomiya, pati aniya edukasyon, agrikultura, at mga residente sa kanilang kabahayan ay apektado na rin ng power interruption.

Facebook Comments