Isinulong ni Basilan Representative Mujiv Hataman sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang madugong sagupaan sa Basilan sa pagitan ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Diin ni Hataman, dapat magpaliwanag ang AFP at MILF kung bakit nangyari ang engkwentro gayong may umiiral na peace agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Sa pagdinig ay nais din ni Hataman na ipatawag at magpaliwanag ang mga opisyal ng Office of the Presidential Assistant on Peace, Reconciliation and Unity, gayundin ang Philippine National Police.
Nabatid ni Hataman na bago ang madugong sagupaan ay mayroon nang hindi pagkakaunawaan ang militar at MILF sa lugar na nakakapagtaka na hindi nila nagawang ayusin para naiwasan sana ang karahasan.
Nais ding malaman ni Hataman kung ano ang prosesong ipinatutupad kapag pupunta ang MILF sa isang lugar na hindi itinalagang MILF camp o community, katulad ng panuntunan na ipinapatupad ng Joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at ng Ad Hoc Joint Action Group o AHJAG tungkol sa operasyon ng militar sa mga lugar na itinalagang MILF camps o communities.
Bilang bahagi ng BARMM transition regional government, nais ni Hataman na ilatag ng MILF ang tugon sa nangyari.
Sa gagawing pagdinig ng Kamara ay nais madetermina ni Hataman kung panahon na ba para pag-aralan at repasuhin ang mekanismo na sumasaklaw sa galaw ng AFP at MILF combatants para maiwasan ang kanilang salpukan.