Thursday, November 26, 2026

DA, pansamantalang ipinagbawal ang pag-angkat ng ilang karne at buhay na hayop mula sa 4 na bansa

Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng ilang karne, buhay na hayop at iba pang produktong mula sa Denmark, Finland, Estonia at Greece dahil sa banta ng mga sakit sa hayop.

Sa Denmark, sakop ng import ban ang mga buhay na ibon, karne ng manok at iba pang poultry products, kabilang ang sisiw at itlog, matapos makapagtala ng bird flu outbreak.

Bawal naman munang mag-angkat ng buhay na baboy, karneng baboy at iba pang produkto nito mula sa Finland at Estonia dahil sa African Swine Fever (ASF).

Sa Greece, sakop ng pagbabawal ang mga hayop na maaaring kapitan ng foot-and-mouth disease, gaya ng baka, baboy at kambing, pati ang mga produkto mula sa mga ito.

Kasabay nito, pinahinto ng DA ang pagproseso at pag-isyu ng import clearance para sa mga sakop na produkto. Inatasan din ang mga veterinary quarantine officer na harangin at kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na shipment sa mga pantalan.

Layunin ng hakbang na maprotektahan ang lokal na paghahayupan laban sa pagpasok at pagkalat ng mga sakit.

Facebook Comments