
Paiigtingin ng Department of Education (DepEd) ang seguridad at mga programa kontra bullying sa mga paaralan sa buong bansa kasunod ng mga insidente ng karahasan sa Caloocan City at Aklan.
Nagbabala si Education Secretary Sonny Angara na posibleng maharap sa mas mabigat na parusa, kabilang ang pagpapatalsik sa paaralan, ang mga estudyanteng masasangkot sa malulubhang kaso ng karahasan at bullying.
Kabilang sa mga hakbang ng DepEd ang pagtatalaga ng mga barangay tanod sa mga pampublikong paaralan sa pakikipagtulungan sa DILG, gayundin ang pagpapalagay ng mga CCTV camera at metal detector.
Pinalalakas din ng kagawaran ang mental health support sa mga mag-aaral kung saan mahigit 6,000 school counselor associate positions na ang napunan ngayong Nobyembre.
Mahigit 40,000 paaralan na rin ang nagtalaga ng mga Learner Formation Officer na tututok sa disiplina at paggabay sa mga estudyante.
Nanawagan naman si Angara sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga larawan, video at hindi beripikadong impormasyon tungkol sa mga menor de edad na sangkot sa mga insidente.










