Maharlika Fund, dagdag na pagkukunan ng pondo kahit hindi na magtaas ng buwis at mangutang ang bansa

Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makakatulong ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act para madagdagan ang pagkukunan natin ng pondo para sa mga itatayong imprastraktura nang hindi kakailanganing magtaas ng buwis o mangutang.

Paliwanag ni Romualdez, ang pagkakaroon ng alternatibong mapagkukuhanan ng pondo ay nangangahulugan na mas maraming mailalaang salapi para sa social services tulad sa sektor ng edukasyon at pangkalusugan.

 


Diin ni Romualdez, napapanahon ang pagsasabatas sa MIF dahil kahit maraming investment opportunities na naiaalok sa Pilipinas habang lumalakas ang ating ekonomiya ay patuloy namang lumalaki ang ating utang.

Ayon kay Romualdez, dahil sa Maharlika Investment Corporation o MIC ay makakapaglatag tayo ng matatag na pamumuhunan para sa kinabukasan o susunod na henerasyon.

Higit sa lahat, binanggit ni Romualdez, na ang investments na malilikha sa ilaim ng MIF ay tiyak magbubunga ng mas maraming development projects sa iba’t ibang panig ng bansa, mga trabaho at kabuhayan para sa mamayang Pilipino.

Facebook Comments