
Iginiit ni House Prosecution Panel Spokesperson at Impeachment Trial Adviser Robert Ace Barbers na hindi lisensya ang 32.2 milyong boto na nakuha ni Vice President Sara Duterte noong 2022 elections upang gamitin sa maling paraan ang pondo ng bayan.
Diin ni Barbers, hindi rin ito lisensya para sa pagkakaroon ni VP Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman, pagsasagawa ng bribery o panunuhol sa ilang opisyal ng Department of Education, at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Tugon ito ni Barbers sa argumentong inihayag ng lead defense counsel na si Atty. Sheila Sison sa unang araw ng impeachment trial na hindi dapat mapatalsik sa puwesto ang bise presidente dahil nakakuha ito ng 32.2 milyong boto.
Ayon kay Barbers, malinaw na nakasaad sa ating Saligang Batas ang mga mekanismo, tulad ng impeachment, upang panagutin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na nag-abuso sa kapangyarihan at lumabag sa batas.










