
Umabot sa 573 senior citizens mula sa iba’t ibang barangay sa Dagupan City, ang nakinabang sa isinagawang Social Pension (SOCPEN) payout sa afternoon batch ng pamamahagi ng ayuda para sa mga nakatatanda. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga residente mula sa Salapingao, Herrero-Perez, Poblacion Oeste, Barangay I, Barangay II at III, at Barangay IV.
Layunin ng payout activity na maipamahagi ang tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong senior citizens bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng mga tanggapan at grupong nangangasiwa sa kapakanan ng mga senior citizens upang matiyak ang maayos at organisadong daloy ng payout.
Nagbigay rin ng libreng serbisyong medikal ang City Health Office upang matugunan ang agarang pangangailangang pangkalusugan ng mga dumalong benepisyaryo habang isinasagawa ang payout.
Samantala, ilang residente at senior citizens ang nagpahayag ng kani-kanilang hinaing hinggil sa hindi pa nila pagtanggap ng social pension. May ilan ding nanawagan na mapalawak pa ang benepisyo upang mas maraming nakatatanda, lalo na ang walang natatanggap na pensyon mula sa ibang ahensya, ang mabigyan ng ayuda.
Patuloy namang hinihikayat ang mga kwalipikadong senior citizens na makipag-ugnayan sa kinauukulang tanggapan para sa beripikasyon at iba pang proseso kaugnay ng kanilang aplikasyon sa social pension program. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





