
Sa nagpapatuloy na pagpapaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa 66,328 na family food packs (FFPs) ang naipamahagi ng kagawaran sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Basyang.
Batay sa inilabas na datos ng DSWD, nasa 58,918 na FFPs ang nai-dispatch sa lokal na pamahalaan sa CARAGA Region, 5,617 naman sa Northern Mindanao, at 1,112 sa Western Visayas.
Bukod pa rito, namigay rin ang Social Welfare Department ng ready-to-eat foodpacks (RTEFs) partikular na sa mga stranded na pasahero dulot ng hagupit ng bagyo.
Kung saan 4,069 na RTEFs ang ipinamahagi sa Northern Mindanao, 571 naman sa Western Visayas, at 500 sa Eastern Visayas.
Ang pamimigay ng FFPs at RTEFs ay bahagi ng augmentation request ng mga LGU na matiyak ang pagtugon, agaran, at direktang pamamahagi ng pangunahing pagkain at kagamitan para sa mga pamilyang naapektuhan ng epekto ng nagdaang bagyo.










