
Puspusan ang Bureau of Customs (BOC) sa pagsasagawa ng mga hakbang upang mailabas mula sa pantalan ang 72 container van na naglalaman ng mga balikbayan box.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, sisimulan na rin ang proseso ng paghahatid ng mga padala sa mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nagpadala ng mga kargamento.
Paglilinaw ng BOC, hindi pa ito agad matatanggap ng mga benepisyaryo, dahil daraan pa ang mga balikbayan box sa mga forwarder na siyang mag-aayos ng distribusyon batay sa lokasyon at destinasyon ng mga padala.
Kumpiyansa si Nepomuceno na matatapos ang proseso sa loob ng ilang buwan, lalo’t tapos na ang Kapaskuhan kung kailan karaniwang dumarami ang mga padala mula sa ibang bansa.
Dagdag pa ng opisyal, marami nang forwarder ang nag-alok ng kanilang serbisyo upang mapabilis ang paghahatid ng mga abandonadong balikbayan box sa mga tahanan ng mga naghihintay na pamilya ng mga OFW.










