Mahusay na pangangalaga sa mga buntis at sanggol, dapat tiyakin sa gitna ng pandemya

Ipinaalala ni Senator Grace Poe na may pandemya man o wala ay obligasyon ng gobyerno na tiyaking ligtas ang mga buntis at sanggol dahil ang paglimot sa kanila ay pag-abandona sa kinabukasan ng ating bansa.

Sabi ni Poe, ang mahusay na pag-aalaga sa mga buntis at sangol ay itinatakda ng “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act”.

Ini-uutos ng batas ang pagtatag ng public school based-feeding program para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6.


Kasama rito ang supplemental feeding program para naman sa mga batang tatlo hanggang limang taong gulang.

Binanggit din ni Poe ang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” na nagbibigay ng komprehensibong nutrisyon at healthcare program sa mga buntis at sanggol mula unang araw nila hanggang 1,000 araw sa bawat barangay.

Giit ni Poe, dapat magsilbing gabay ang krisis pangkalusugan para bumalangkas ng mga pamamaraan ang pamahalaan upang matiyak ang patuloy na serbisyo sa mga buntis at sa bawat bata sa gitna ng mga hindi inaasahang sitwasyon

Facebook Comments