
Mariing sinabi ng Malacañang na hindi ito makikialam sa panloob na isyu ng Senado, kabilang ang mga umuugong na balitang may tangkang palitan ang liderato nito.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hiwalay na sangay ng pamahalaan ang Senado kaya walang dahilan para makisawsaw o magkomento ang Malacañang sa mga usaping panloob nito.
Dagdag pa ni Castro, iniiwasan ng Palasyo ang tinatawag na “executive overreach,” kaya malinaw ang distansiya nito sa anumang desisyong gagawin ng Senado.
Nauna nang lumabas ang mga ulat na may ilang senador umanong kumikilos para palitan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at si Sen. Loren Legarda ang sinasabing napipisil na kapalit.
Kasabay nito, iginiit din ni Castro na hindi pa umano nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kumakalat na draft report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng iniimbestigahang anomalya sa mga flood control projects.










