Mas pinalawak na Safe Spaces Act, inaprubahan na ng Senado

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2897 o ang Safe Spaces Act.

Sa botong 23 na pabor at wala namang tumutol ay naaprubahan na sa Senado ang mas pinalakas at mas pinalawak na proteksyon na workplace legislation kung saan tutugunan na rin ang gender-based online sexual harassment na laganap ngayon sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence (AI) at iba pang umuusbong na teknolohiya.

Nagpasalamat si Senator Risa Hontiveros, sponsor ng panukala sa Senado, sa mga kapwa mambabatas na sumuporta at bumoto para sa mas pinalakas na Safe Spaces Act.


Sinabi naman ni Senator Grace Poe na umaasa siyang kaakibat ng pagtaas sa parusa at multa sa ilalim ng Safe Spaces Act ay magiging daan ito para maiwasan ang mga krimen at harassment na nangyayari sa mga lugar na pinagtatrabahuan gayundin sa online.

Sa ilalim ng expanded Safe Spaces Act ay pinalawak na rin ang depinisyon ng “public spaces” kabilang ang mga kalye at eskinita sa mga rural areas, bukirin, coastal areas, at maging ang multi-purpose halls.

Ang mga lalabag oras na maging ganap na batas ang panukala ay maaaring maharap sa pagkakabilanggo ng isang buwan hanggang anim na buwan o multang ₱10,000 hanggang ₱100,000 depende sa desisyon ng korte.

Facebook Comments