Ipinagmalaki ni Speaker Martin Romualdez ang bunga ng matagumpay na pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa 40th at 41st Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summits.
Sabi ni Romualdez, napatibay nito ang bilateral at trade relations ng Pilipinas sa ilang mga bansang kasapi ng ASEAN tulad ng Vietnam at Cambodia na tiyak makakatulong para sa ating pagbangon.
Para kay Romualdez, mahusay rin na naiprisinta ni Pangulong Marcos ang ating posisyon sa iba’t ibang usapin na nakakaapekto sa Southeast Asian Region.
Diin ni Romualdez, malinaw na naisulong ni Pangulong Marcos ang panawagan ng bansa para sa pagkakaisa sa ASEAN para tugunan ang mga hamong kinakaharap para sa ika-uunlad ng lahat ng kasapi nito.
Pangunahin sa mga hamong binanggit ni Romualdez ang mga natural disasters, health emergencies, armed conflicts, at economic recessions.
Pinuri rin ni Romualdez ang pahayag ni Marcos ukol pangangailangan na mapag-ibayo ang kooperasyon sa ASEAN para food security, digitalization, pagpapahusay ng health care systems, mga hakbang laban sa climate change at pagpapairal ng diplomasya o mapayapang solusyon sa anumang tensyon o hindi pagkakaunawaan.
Si Romualdez ay kasama sa Philippine delegation sa ASEAN Summit at siya rin ang nanguna sa paglahok ng bansa sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly.