Manila, Philippines – Sasailalim na rin sa annual mandatory drug test ang matataas na opisyal ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasunod ito ng inaprubahang National Defense’s circular no.13 ni DND Secretary Delfin Lorenzana noong July 17.
Sa ilalim nito, required na sumailalim sa drug test ang kalihim ng DND, lahat ng military general at flag officer ng AFP hanggang sa mga division chief nito.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo – layon ng bagong polisiya na siguruhing malinis sa iligal na droga ang hanay ng militar.
Magiging bahagi na rin ng requirements para sa promotion, schooling at pagtatalaga sa isang sundalo sa key positions ang naturang drug test.
Samantala, pagkasibak sa serbisyo ang kakaharapin ng sinumang magpo-positibo sa droga.