Mayor sa Gapan, namigay ng isang sakong bigas, buhay na manok sa mga residente

Courtesy Mayor Emeng Pascual - Serbisyo Publiko

GAPAN, NUEVA ECIJA – Sa ikatlong linggo ng enhanced community quarantine, nagbahay-bahay ang mismong alkalde ng bayan para mamahagi ng isang sakong bigas, gulay, itlog, at buhay na manok.

Ayon kay Mayor Emerson Pascual, ito raw ang naisip nilang ibigay upang hindi na lumabas ang mahigit 30,000 pamilya sa kani-kanilang tahanan.

Siniguro naman ng opisyal na makatatanggap ng ayuda ang lahat ng residente sa lugar – mahirap man o mayaman.


“Pati yung mga farmers dito, mga magtatanim ng gulay, ang sabi ko sa kanila, sa Huwebes, kapag natapos na bigyan ng bigas ang lahat ng bahay sa Gapan, lahat ng tanim dito na gulay, vegetable, bibilhin ko, papakyawin ko at ipamimigay ko sa mga tao dito sa lungsod ng Gapan,” sabi ni Pascual sa press briefing ng “Laging Handa” nitong Martes.

Nagdesisyon rin ang alkalde na idonate ang suweldo niya dahil hindi raw sapat ang pondo ng lokal na gobyerno para matustusan ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan.

Kasunod nito, nanawagan ang opisyal sa nasyonal na pamahalaan na bigyan sila ng COVID-19 test kits upang kaagad masuri ang mga pasyenteng nakitaan ng sintomas.

“Kung may chance na matulungan kami ng national government, ang gusto namin yung test kit sana. Para lahat ng PUM ay masala na namin kung sino ang mga dapat naming ibukod para hindi na kumalat, hindi na makahawa dito sa mga tao sa lungsod ng Gapan,” pahayag pa niya.

Batay sa huling datos ng city health office, anim na katao ang dinapuan ng virus; siyam ang persons under investigation at 837 naman ang persons under monitoring.

Umani naman ng papuri sa social media ang tulong na inihandog ng Gapan LGU sa mga apektado ng enhanced community quarantine.

Facebook Comments