Muling ipinapaalala ng mga pamunuan ng simbahan ng Sto. Niño sa Tondo at sa Pandacan na kanselado muna ang mga aktibidad sa nalalapit na fiesta.
Kaugnay rito, wala munang magaganap na face to face mass at lakbay sayaw na tradisyunal na ginagawa tuwing fiesta ng Sto. Niño.
Nabatid na isasara ang mga nasabing simbahan sa darating na Sabado at sa mismong araw ng pista sa Linggo o Enero 15 at 16, 2022 kung saan gagawin munang online ang mga misa para makapagdasal ang mga deboto.
Nais kasi ng pamunuan ng simbahan at ng Manila Police District (MPD) na masunod ang umiiral na guidelines sa ilalim ng Alert Level 3 partikular ang pagbabawal sa mass gatherings.
Paraan din ito upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 kasabay ng lumalabas na iba’t-ibang variant ng virus.
Ayon kay Manila Police Department (MPD) PIO Chief Police Maj. Philipp Ines, ang seguridad na kanilang ipapatupad ay katulad din ng ginawa nila noong pista ng itim na Nazareno.
Pero sinabi ni Ines na hindi kasing dami ng mga pulis ang kanilang itatalaga tulad ng ginawa nila sa paligid ng Quaipo church at aniya, makakatiyak ang publiko na mapapanatili nila ang kaayusan at seguridad sa mga nasabing simbahan.