Aasahan ang tuluy-tuloy na pagdating sa Pilipinas ng mga turistang Chinese.
Ito ay matapos ang paglilinaw ng Chinese Embassy na hindi kabilang ang Pilipinas sa blacklist para sa mga Chinese tourist.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Office of the Press Secretary Officer-in-Charge (OPS-OIC) Undersecretary Cheloy Garafil na nakita nila ang clarification statement ng Chinese embassy.
Sinabi ni Garafil, naniniwala ang gobyerno ng China at Pilipinas na mahalaga ang turismo sa pagpapaganda pa ng relasyon ng mga bansa.
Kaya naman sa paglilinaw na ito ng Chinese Embassy aasahan raw ang mga kaibigang Chinese na papasyal sa Pilipinas sa mga susunod na buwan at taon.
Samantala, sinabi pa ni Usec. Garafil na may utos naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Philippine National Police (PNP) na tutukan ang mga isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa na pinamamahalaan ng mga Chinese.
Batay sa mga ulat ng PNP, may nagaganap na kidnapping sa operasyon ng POGO na ang biktima at suspek ay mga chinese rin.
Una nang inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kabilang ang Pilipinas sa blacklist for tourist destination ng mga Chinese dahil sa isyu sa POGO.