
Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang pagpapalawak ng zero balance billing policy upang masaklaw na rin ang mga direct contributor ng PhilHealth na maa-admit sa pay ward o shared rooms ng mga DOH hospital.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro, inihahanda na ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang isang memorandum circular na mag-uutos sa lahat ng DOH hospitals na ipatupad ito para sa mga miyembrong awtomatikong kinakaltasan ng kontribusyon, kabilang ang mga middle-income earners.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may access ang bawat Pilipino sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan nang hindi nabibigatan sa gastusin.
Sa ngayon, saklaw lamang ng zero balance billing ang mga pasyenteng naka-admit sa basic o ward accommodation sa mga DOH hospital.










