
Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa, na paigtingin ang pag-iinspeksyon sa checkpoint sa mga sasakyan na nagdadala ng sugarcane o tubo, halaman, at mga materyales sa pagtatanim, alinsunod sa Memorandum Circular No. 2026-065.
Layon nito na mapigilan ang pagkalat ng peste sa sektor ng asukal sa bansa, na mas kilala sa tawag na Red-Striped Soft Scale Insect (RSSI).
Base sa Sugar Regulator Administration (SRA) Memorandum Circular No. 9, series of 2025, kinakailangan ng single-use permit na valid sa loob ng 30-araw mula sa pag-iisyu, para makapagbyahe ng mga tubo at materyales sa pagtatanim mula sa mga lugar na apektado ng nasabing peste, kabilang na rin ang pagdadala nito sa mga isla.
Sakaling maharang ang kargamento na lumabag sa mga umiiral na transport and quarantine regulations, kailangang makipag-ugnayan agad ng mga lokal na pamahalaan sa pinakamalapit na tanggapan ng SRA o kaya nama’y sa Department of Agriculture (DA).
Dagdag pa rito, hinimok din ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na magkasa ng information campaign sa mga magsasaka, negosyante, transporter o tagabyahe, at mga kooperatiba para mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa mga regulasyon sa pagbabyahe ng naturang produkto at maiwasan pagkalat ng peste.
Matatandaang unang natukoy ang mga kaso ng RSSI bago matapos ang taong 2022, at patuloy paring umaatake sa mga tubuhan, kung saan ayon sa SRA, ay umabot na sa mahigit 134,000 hectares ng tubuhan sa buong bansa ang napinsala nito as of September 1.










