Sumugod sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay upang kalampagin ang kagawaran kaugnay sa paglalabas ng resolusyon sa kaso at pagpapanagot sa mga nasa likod ng kanilang pagkawala.

Nagdaos din sila ng panalangin sa harap ng tanggapan ng DOJ para sa mga kaluluwa ng mga biktima ilang araw bago ang Undas.

Pinagbabato rin ng mga kaanak ang tarpaulin ng mukha ni Ang na nakahawak sa rehas.

Ayon sa Justice for Missing Sabugeros Network, umaasa silang makukulong ang mga sangkot kabilang na ang itinuturong mastermind na si Charlie “Atong” Ang.

Samantala, kapansin-pansin naman ang isang lalaki at babae na nagsuot ng maskara na may mukha nina Ang at ng aktres na si Gretchen Barretto na idinadawit din sa kaso.

Noong nakaraang linggo nang tapusin ng Justice Department ang preliminary investigation matapos maghain ng counteraffidavit ang karamihan sa akusado kabilang sina Ang at Barretto.

Una na ring itinanggi ng mga ito ang akusasyon sa kanila at sinabi ng kampo ni Ang na naniniwala silang makikita ng DOJ na walang basehan ang mga paratang at umaasa ring ibabasura ang kaso.

Facebook Comments