Tiniyak ni MMDA Chair Benhur Abalos na makatatanggap parin ng ayuda ang mga residenteng maaapektuhan ng granular lockdown.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Abalos na ang bawat Local Government Unit (LGU) ay may pondong nakalaan para sa pagbibigay ng assistance sa mga maaapektuhan ng granular lockdown.
Maaari rin silang humirit ng karagdagang assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ngayon, ani Abalos malabo nang magkaroon ng malawakang lockdown kung kaya’t una nang pinatitiyak ng Palasyo sa mga LGUs na magpatupad ng granular lockdown sa kanilang nasasakupan lalo na kapagmayroong clustering ng kaso.
Maaari aniyang isa gusali, isang floor ng condominium, ilang bahay, purok at eskenita ang pagpapatupad ng granular lockdown at ito ang bubuhusan ng ayuda ng pamahalaan dahil bawal muna silang lumabas.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police (PNP) nasa 16 na mga lugar sa Metro Manila ang na sa ilalim ngayon ng granular lockdown.