Inaapela ng employers group sa pamahalaan na i-exempt o huwag isama ang micro-enterprise sa implementasyon ng dagdag-sahod sa mga minimum wage earner.
Kasunod na rin ito ng desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na aprubahan ang ₱33 na dagdag sa sweldo ng mga minimum wage earner sa Metro Manila habang nasa ₱55 hanggang ₱110 naman para sa Western Visayas.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Employers’ Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz-Luiz Jr. na bagama’t suportado nila ang desisyon ng wage board, nangangamba ito na posibleng malugi o di kaya ay magsara ang mga maliliit na negosyo sa bansa.
Paliwanag ni Ortiz-Luiz, 90-percent ng industriya ay binubuo ng micro enterprise at kalahati nito ay nalugi at nagsara nitong pandemya.
Kaya naman hindi aniya kakayanin ng mga maliliit na negosyante na pasanin pa ang dagdag-sahod sa kanilang mga manggagawa.
Punto naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, dahil sa kakapusan ng salapi, posibleng isara o magbawas ng empleyado ang mga nasa micro industry.
Nabatid na 60-percent ng kabuuang workforce sa bansa ay nasa micro enterprise.