Mga may hypertension o cardiovascular disease walang contraindication para hindi bigyan ng COVID-19 vaccine

Nilinaw ni Philippine Heart Association (PHA) President Dr. Orly Bugarin na maaari paring turukan ng COVID-19 vaccine ang sinumang indibidwal na may sakit sa puso, may hypertension at anumang cardiovascular disease.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Bugarin na walang matibay na ebidensya na makapagpapatunay na hindi maaaring ibigay ang Coronavac sa may cardiovascular disease.

Ayon kay Bugarin kinakailangan lamang paghandaan ng isang may cardiovascular disease ang araw ng kanyang pagbabakuna upang hindi tumaas ang kanyang blood pressure.


Kailangan ding iniinom nito ng wasto ang kanyang maintenance medicine, huwag uminom ng kape, manigarilyo at huwag kabahan o nerbyusin kapag oras na nilang bakunahan.

Importante ding magpakonsulta muna sa kani-kanilang mga attending physician bago magpabakuna.

Ang hindi lamang aniya maaaring bakunahan ay kapag umabot sa 180/120 ang taas ng blood pressure.

Pero kapag bumaba na ito ay pwede nang maturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Paliwanag pa ni Dr. Bugarin, importanteng mabakunahan ang lahat o majority ng ating populasyon bilang proteksyon sa virus.

Facebook Comments