Manila, Philippines – Sisikapin ng pamahalaan na mapauwi ng bansa ang mga stranded na Overseas Filipino Workers sa Doha Qatar.
Ayon kay House Committee on OFWs Vice Chairman Winston Castelo, dumalaw sila kamakailan sa mga OFWs sa Qatar para silipin ang Philippine shelter facility sa Doha kung saan 80 mga Pinay ang nanatili pa doon.
Ang mga stranded OFWs ay nahaharap sa iba’t-ibang mga kaso na isinampa ng kanilang mga amo sa Qatar.
Sinabi ni Castelo na tutulungan ng gobyerno na mapabilis ang mga kaso ng mga Pinay OFWs upang bago magPasko ay makauwi na ang mga ito para makapiling na ang kanilang mga pamilya.
Sa ngayon aniya ay inaalam na ng gobyerno ang sitwasyon at kung paano mapapabilis ang repatriation sa mga OFWs pati na rin ang tulong na maibibigay sa mga ito.
Dagdag pa ni Castelo, may dalawa ng Pinay ang mauunang umuwi sa bansa matapos na ilabas ang resolusyon sa mga kaso.
Ito ay sina Jennylin Iguin at Princess dela Vega na nabigyan na ng exit permits at release orders ng Qatar government matapos na maresolba ang mga kaso.