Mga Rescue Equipment, Kailangang Palitan-Isabela Gov. Albano III

Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Isabela Governor Rodito Albano III na kailangan nang i-upgrade ang mga gamit pang-rescue maging ang ginagawang pagtugon ng mga rescuers base sa naging assessment nito sa matinding naging epekto ng nagdaang typhoon Ulysses sa Lalawigan.

Sa ginawang General Assembly meeting sa Provincial Capitol, sinabi ng Gobernador na kinakailangan nang mag-upgrade ng rescue equipment kung saan bibili na ng malalaking boats na pwedeng kumarga ng maraming tao.

Maging ang mga rescuers ay kinakailangan nang sumailalim sa mga seminar upang ma-redirect at ma-orient para sa mas malawak na kaalaman pagdating sa rescue operation sa panahon ng kalamidad.


Samantala, isinuhestiyon naman ni Engr Ramil Tuppil, Climate Meteorologist ng DOST-PAGASA na magkaroon ng rain gauge station ang bawat munisipalidad na kung saan ay magiging isang malaking tulong bilang isang maagang sistema ng babala at paggawa ng desisyon sa mga lokalidad.

Handa naman aniyang magbigay ng tulong teknikal ang PAGASA sakaling magkaroon ng rain gauge station sa bawat bayan.

Iginiit naman ni Division Manager Engr. Eduardo Ramos ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na nasunod ang kanilang protocol sa pagpapakawala ng tubig at nagkaroon ng paalala’t paabiso bago pa man ang takdang oras ng pagpapakawala.

Facebook Comments