Numancia, Aklan— Iginiit ng ilang residente sa Brgy. Badio Numancia na hindi sila naimbitahan sa isinagawang public hearing para sa itatayong crematorium sa kanilang barangay. Ayon sa isang 30 anyos na lalaking residente rin ng nasabing lugar na nalaman lamang umano nila ang pagpapatayo ng pasilidad matapos mabasa sa RMN Kalibo facebook page ang ulat tungkol rito. Dagdag pa nito na dapat sana ay pinatawag sila ng LGU para hingin ang kanilang sentimyento. Sa katunayan aniya ay malapit lamang sa sementeryo ang kanilang bahay dahilan para mabahala ito sa kanilang kalusugan dulot ng itatayong crematorium. Nangangamba umano sila dahil sa posibleng amoy mula sa usok nito na posibleng umabot sa kabahayan. Samantala ayon naman kay Mrs. Nida Abello isa rin sa residente ng nasabing barangay na dapat sa ibang lugar na lamang ito itayo kung saan malayo sa mga kabahayan. Wala rin umano siyang natanggap na imbitasyon sa public hearing kahit na madalas siyang pumunta ng munisipyo. Napag-alaman na binigyan ng business permit ng LGU Numancia ang Justrod Crematorium noong September 16, 2021 at may bisa hanggang katapusan ng kasalukuyang taon. Sa ngayon balak ng mga residente na sulatan ang sangguniang bayan para suriing muli ng LGU ang kanilang hakbang at mabigyan sila ng pagkakataon na magpahayag at mapakinggan ang kanilang saloobin.
Mga residente sa paligid ng itatayong crematorium sa Badio, Numancia iginiit na hindi sila inimbitahan sa public hearing
Facebook Comments