Ihahain sa Kamara ang isang resolusyon para tukuyin at mailantad ang mga sinasabing “untouchables” na nasa likod ng smuggling o pagpupuslit ng mga gulay sa ating bansa.
Kasunod na rin ito ng pahayag ng Senado na may malalaking personalidad at politiko na sangkot sa ilegal na pagpasok sa bansa ng mga gulay mula sa China.
Sinabi ni Representative Eufemia Cullamat, na maghahain ang kanilang grupo ng resolusyon para malaman na kung sino-sino ang mga responsable sa smuggling ng mga gulay at mapanagot ang mga ito sa batas.
Iginiit ng mambabatas na hindi kailanman nakabubuti sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ang talamak na smuggling.
Bukod kasi aniya rito ay naghihirap din ang mga magsasaka sa importasyon.
Tinukoy ng kongresista na sa isang bansang agrikultural tulad ng Pilipinas na may masisipag na mga magsasaka ay kaya naman sanang suportahan ang pangangailangan ng mga tao basta’t may tamang suporta at tulong mula sa pamahalaan.