Lampas limang araw na lang bago sumapit ang Undas, ngunit araw pa lamang ng Linggo ay bumisita na si Vilma Bandong sa puntod ng kaniyang mga magulang upang maglinis.
Aniya, sinamantala na nila ang magandang panahon upang hindi na rin sumabay sa dagsa ng tao sa darating na Nobyembre 1.
Nagpasalamat naman ang ilan pang bumibisita dahil ngayong taon ay walang baha sa sementeryo, di tulad ng naranasan noong nakaraang taon.
Gaya ni Edna Sanchez, mas pinili rin niyang maging maaga dahil kakaunti pa lamang ang nagpapalinis.
Samantala, ayon kay Noel Carino, sepulturero ng sementeryo, unti-unti nang dumarami ang mga bumibisita, ngunit inaasahang dadagsa pa ang mga tao simula Oktubre 29.
Sa Barangay Buenlag sa parehong bayan, nag-alok naman ang kapitan at mga kagawad ng personal na tulong upang gawing libre ang paglilinis at pagpipintura sa mga nitso roon.
Dagdag pa rito, pinaplantsa na ng Public Order and Safety Office (POSO) Calasiao ang traffic rerouting scheme na ipatutupad sa bayan, partikular na malapit sa sementeryo, pagsapit ng Nobyembre 1.
Nananawagan naman ang mga awtoridad ng kooperasyon mula sa publiko para sa mas maayos na paggunita ng Undas.










