
Makatatanggap ng P10-K cash assistance ang mga nagtitinda, na pansamantalang nagsara ng negosyo, dahil sa traffic flow management sa mga area na malapit sa pagdadausan ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit 2026 sa Pasay City.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Spokesperson, Asst. Secretary Irene Dumlao, ipinag-utos na ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa tanggapan ng ahensya sa National Capital Region (NCR), ang agarang pagsusuri sa tulong na kinakailangan ng mga apektadong small business owner.
Base sa initial assessment, 30 vendor ang nawalan ng kita sa nasabing lugar, na nauna nang binigyan ng family food packs; habang nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD – NCR sa Pasay City Local Government Unit at Social Welfare and Development Office, para sa mas mabilis na pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong vendor.
Dagdag pa rito, muli ring nagpaalala si Dumlao, na bukas ang tanggapan ng DSWD, para sa mga apektadong vendor na nais kumuha ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, para makauwi muna sa kanilang mga probinsya, habang ongoing pa ang preparasyon ng pamahalaan sa ASEAN Summit.










