
Tatlong isyu ang tinukoy ng House prosecution panel na pangunahing dapat ipaliwanag ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial simula ngayong araw para sa ikalawang article of impeachment ukol sa hindi maipaliwanag na yaman.
Kabilang sa inilatag ni House Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang kabiguan ni VP Sara na ideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN ang lahat ng kanyang pera sa mga bangko at lahat ng ari-arian.
Binanggit din ni Kapunan ang totoong pinagmulan ng iba pang kita ni Duterte na hindi nagmula sa kanyang sweldo bilang ikalawang pangulo.
Sabi ni Kapunan, hindi rin ito nanggaling sa mga investments o negosyo ni VP Sara dahil wala namang dividends ang mga kompanya nito batay sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Pangatlong isyu na tinukoy ni Kapunan ang hindi pag-divest ni Duterte mula sa tatlong negosyo o kompanya habang siya ay nanunungkulan na bilang bise presidente.
Base sa presentation ng prosecution, lumalabas na mahigit P817 million pesos hanggang P1.5 billion ang posibleng unexplained wealth at undeclared assets na hindi idineklara sa SALN ni VP Sara.










