Binigyang diin ni dating Presidential Adviser at Chinese businessman Michael Yang na wala siyang kaugnayan o anumang koneksyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa pamamagitan ng isang interpreter ay sinabi ito ni Yang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng gobyerno ng umano’y overpriced na face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies.
Sa pagtatanong ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa Senate hearing ay sinabi ni Yang na sa mga news reports lang niya nalaman ang tungkol sa kompanyang Pharmally.
Pero bandang huli ay inamin ni Yang na siya lang ang nagpakilala sa mga taga-Pharmally sa suppliers ng face masks sa China.
Pinatotohanan naman ito ni Linconn Ong, director ng Pharmally, na nagsabing bukod sa pagpapakilala ay si Yang din ang naggarantiya sa mga suppliers na makakabayad ang kompanyang Pharmally.