MISIS AT KALAGUYONG BARANGAY KAGAWAD, DINAKIP SA LUNGSOD NG CAUAYAN

19
Nahaharap ngayon sa kasong Adultery ang isang misis at kalaguyo nitong barangay Kagawad matapos ipaaresto ng mister sa brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela partikular sa isang pribadong pabahay.

Ang mga nahuli ay itinago sa pangalang “Marie”, 32 yrs old, residente ng Marabulig 1, Cauayan City, Isabela at kalaguyo nitong Kagawad na itinago sa pangalang si Dandan, 73 years old, byudo at residente ng Purok 2, Brgy Minante 2, Cauayan City.

Una rito ay nagtungo mismo sa himpilan ng pulisya ang biktima na si Christian, 32 years old, construction worker, residente ng brgy Marabulig 1, Cauayan City kasama ang nanay at kapatid para humingi ng tulong kaugnay sa panloloko ng kanyang misis na kasama na umano nito sa kanyang inuupahang pabahay ang nasabing Kagawad.

Nagtungo naman ang biktima at mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa tinutuluyang pabahay ng suspek at nakumpirma nga na magkasama ang misis ng biktima at ng kabit nito.

Agad silang dinakip at dinala sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kasong Adultery.

Sa atin pang nakuhang impormasyon sa PNP Cauayan, nakalabas rin kahapon ang dalawang suspek dahil sa kakulangan ng ebidensya.



Binigyan na rin sila ng counter affidavit para ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa loob ng sampung araw.

Ayon naman sa biktima, matagal na nitong napapansin na mayroong relasyon ang kanyang misis at Kagawad at ngayon lamang nagawang ipaaresto.

Facebook Comments