
Isang 28-anyos na lalaki mula Mangaldan, Pangasinan ang nasawi matapos matumba at magulungan ng truck tractor sa naganap na aksidente pasado alas-tres ng hapon kahapon, Disyembre 3, sa Lungsod ng San Fernando, La Union.
Batay sa paunang imbestigasyon, magkasunod na tinatahak ng motorsiklo at truck ang hilagang direksyon ng kalsada, kung saan nauuna ang truck.
Pagdating sa lugar ng insidente, tinangka ng motorsiklo na mag-overtake sa pamamagitan ng shoulder ng kalsada ngunit nawalan ng kontrol ang rider, dahilan upang tumilapon ito at magulungan ng hulihang gulong ng truck.
Idineklara itong dead on the spot ng mga rumespondeng tauhan dahil sa tindi ng tinamong pinsala.
Hindi naman nasaktan ang 42-anyos na driver ng truck ngunit dinala pa rin sa isang ospital para sa kaukulang medikal na pagsusuri.









