Motoristang Binata-Patay, Back rider-sugatan matapos Tumbukin ng Pick up!

*Roxas, Isabela- *Dead on Arrival sa pagamutan kahapon ang isang binata matapos tumbukin ng isang pick-up ang kanyang minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng Brgy. San Luis, Roxas, Isabela.

Kinilala ang nasawing binata at driver ng motorsiklo na si Gregorio Rico, 20 anyos habang sugatan ang kanyang back rider na si PJ Luga, 21 anyos at kapwa residente ng brgy Imbiao, Roxas Isabela.

Samantalang ang suspek at driver ng Hilux Pick up ay si Roldan Lajorda, 39 anyos, residente naman ng Brgy. Colalabo Del Norte, Burgos Isabela.


Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), habang binabaybay ni Rico ang kahabaan ng Brgy. San Luis patungong Centro ng Roxas, Isabela ay bigla na lamang itong sinalpok ng kasalubong na pick up na patungo naman sa kasalungat na direksyon.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Roxas na umagaw sa linya si Lajorda kaya’t nabangga nito ang motorsiklo ni Rico na nagresulta sa kanyang pagkamatay nang ito ay dalhin sa pagamutan.

Inilipat naman sa CVMC Tuguegarao City si Luga para sa kanyang karampatang lunas.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang dalawang sangkot na behikulo para sa kaukulang disposisyon at inihahanda na ang kasong kakaharapin ng suspek.

Facebook Comments