Motorsiklo na Bumangga sa Kalabaw sa City of Ilagan, Tatlo ang Sugatan, Isa Patay!

City of Ilagan, Isabela – Dead on the spot kahapon ang isang lalaki na angkas ng motorsiklo matapos bumangga sa kalabaw na nasa gilid ng daan sa Barangay Aggasian, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Herson Dela Cruz, bente otso anyos, walang asawa at residente ng Brgy. Centro San Antonio, City of Ilagan, Isabela.

Sugatan naman ang drayber ng motorsiklo na si Ridimar Domingo, tatlumput isang taong gulang, may asawa at residente rin sa nasabing lugar.


Samantala ang sakay ng kalabaw ay ang magkapatid na sina Michael Baldamuerte, labing siyam na taong gulang at Jun Baldamuerte, limang taong gulang na nagtamo ng konting sugat sa katawan.

Ayon kay PO2 James Pattalitan, ang imbestigador ng City of Ilagan Police Station na nasa parehong direksyon ang motorsiklo at ang kalabaw sa gilid ng daan ngunit bigla na lamang binangga ng motorsiklo ang kalabaw.

Sinabi pa ni PO2 Pattalitan na dahil sa impak ng pagbangga ng motor ay tumilapon si Dela Cruz na naging sanhi ng kamatayan nito at nabatid rin na lasing si Domingo kung kaya’t di umano napansin ang kalabaw.

Dinala ng Rescue 1124 si Domingo sa San Antonio Municipal Hospital dahil sa tinamong sugat sa katawan samantalang nasa Barangay Aggasian ang kalabaw para sa karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments